Tipid
Nagmula ako sa isang pamilyang puno ng pagmamahal at kasiyahan na kung saan nagbunga ng isang anak na nagngangalang “JUNE” na hango ang pangalan sa isang Panginoon ng Romano na si Juno. Marahil isa sa mga dahilan kung bakit ako tinawag na “JUNE” dahil ako ay pinanganak sa buwan ng Hunyo 7, 1993. Iyun na marahil ang pinakamagandang dahilan. Dahil sa kalakihan ng aming pamilya marahil wala na silang iba pangmaisip na pangalang ibibigay sa akin kundi ang tawagin akong si “JUNE”. Tinipid man ang aking pangalan sapat na ito para sa aking pagkakilanlan. Nagmula ako sa angkan ng “Tolentino” sa baybayin ng Bilogo, Taysan, Batangas kung saan naninirahan ang aking ama at “Alido” sa pag kadalaga ng aking ina. Ito ang mga pangalang aking namulatan simula ng ako’y isilang sa mundo ng pagkilala ng aking pagkatao. Namayani sa mundong ito at tumatak sa buong publiko ang pangalang “June Alido Tolentino.”
Salapi
Ang aking ama ay nagngangalang Nicanor Tolentino at Beatriz Alido naman ang pangalan ng aking ina. Ang kanilang pag-sasama ay nagbunga ng isang dose-dosenang problema, makukulit na bata at masasayang alaala na di mapapantayan ng kahit anong salapi o kayamanan sa mundong kanilang kinamulatan. Magkakaiba man kami ng pag-uugali at asal sa buhay isa pa din ang pangalang aming tinataglay at pinoprotektahan. Isang pamilyang puno ng kayamanan ng pagmamahal at pag kakaisa na di mapapantayan ng kahit anong uri ng salapi.
Tsinelas
Isang ala-alala na hindi ko malilimutan sa aking pagkabata ay ang araw-araw na paglalaro kasama ang aking mga pinsan. Mga larong aking kinasanayan nuong ako’y maliit pa, patintero na nagbigay sa akin ng malawak na pag–iisip kung paano malalagpasan ang lahat ng mga humaharang na problema sa akin buhay, luksong tinik na nagturo sa aking abutin ang aking mga pangarap sa abot nang aking makakaya, at habulan na hindi sa lahat ng oras lagi tayo ang nangunguna sa lahat ng bagay-bagay sa mundong ito. Ang aking buhay ay katulad lamang ng ating mga tsinelas, may tsinelas na pudpud na, sira-sira at lumang-luma na, sa maikling sabi hindi na kapaki-pakinabang at wala nang buhay, sa aking paglalakbay sa pangaraw-araw na pamumuhay lagi kong nararanasan ang mapudpud at mabutasan sa buhay, ang masira sa mga tao at pabayaang anurin ng alon at mamuhay ng walang kwenta, ngunit sa kabilang dako nito matapilok man ako na riyan muli ang bagong tsinelas para baguhin ang lahat ng mga ito. Maglalakbay muli sa agos ng buhay at magpaanod sa gulong ng kapalaran. Tatayu’t tatayo rin tayo at magsisimulang muli ng buhay. Madapa man ako o tayo sa lahat ng oras, ito ay magsisilbing gabay at aral sa ating buhay, bumagsak man tayo ay may napulot tayong magandang aral sa ating pagkakadapa.
Pinakulong Tubig
Isa sa mga nakasanayan ko na sa aking pagligo ay ang paggamit ng mainit na tubig, ito ay naging mitsa sa aking kutis kung saan nalapnos ang aking binti, isang trauma na di ko malilimutan sa aking sarili na hanggang ngayon ay hindi mawala sa aking pag-iisip
ang iniwang sakit at galos sa aking binti. Ang pinakulong tubig na ito ang nag silbing
babala sa aking pang araw-araw na buhay na wag padalus-dalos sa lahat ng bagay. Maging maingat sa lahat lalong-lalo na sa taong dapat mong pagkatiwalaan. Di natin alam na baka mag dulot din ito ng malaking galos sa ating mahal sa buhay.
Alkansya
Noong bata pa ako, ako yung tipong masayahin at napakadaldal sa klase kahit hindi naman kailangan pag-usapan ay pilit-pilit kong isinisiksik para lang ako’y mapansin. Ako yung tipong laging gustong magpatawa at umeksena sa gitna ng kaseryosohan ng aking mga kasama. Ako yung tao noon na hindi marunong mamrublema at problemahin ang iba basta ang alam ko lang ay mangulit at magpatawa sa lahat ng taong kaharap ko, di mapatali sa lahat ng bagay. Ganyan ako ka disididong magpasaya ng tao parang alkansya pag inalog mo maingay ito at walang humpay sa pag likha ng mababa, malakas, at matinis na tunog ng mga pera. Ibang- iba man ang pag-uugali ko sa lahat, iyon ay dahil yun ako at kung sino ako ito ang nagmulat at bumuo sa tunay kong pagkatao at humubog para mapansin ng ibang tao. Pilitin ko man ang sarili kong maging tahimik at maging seryoso ay hindi ko magawa sapagkat ito na ang kinasanayan ko at kinamulatan ko, ang maging masaya sa lahat ng masaya at magpasaya ng magpasaya sa mga taong walang humpay ang dating ng problema.
Krus
isa sa pinakamasayang responsibiladad na aking nagampanan sa buong buhay ko ay ang pagiging lingkod ng Inang Simbahan, ito’y nagpapatunay na ako’y may takot sa panginoon. Naging sakristan ako noon hanggang sa ngayon at kasalukuyang presidente ng isang organisasyong pangkabataan na naglalayong ituwid ang kanilang landas sa maling daan, kapag ako’y humawak ng isang responsibilidad sinisiguro ko sa kanila na hindi mabibigo at hindi mawawalan ng kulay ang aming organisasyson. Ang isang responsibilidad ay hindi madaling akayin sa araw-araw. Kapag ako’y nabigyan ng pagkakataon na mamuno dito ay hindi ko pinalalagpas, dahil ito na yung pagkakataon na ipakita ko sa kanila kung gaano ako ka pursigido sa posisyong ito at ka-diterminadong lider. Pagdating sa ganitong pagkakataon sinesiryoso ko ang lahat ng bagay-bagay at hakbang na aking ginagawa. Kailangan hatiin ang aking oras para maayos ko ang lahat, ang isang responsibilidad ay parang krus kailangan buo ang ating loob para harapin ang lahat. Maraming sakripisyo ang kailangan natin gawin kagaya ng panginoon at matibay na pananampalataya at lakas ng loob para sa ating obligasyon.
Doble-Kara
Noong bata pa ako inakala ng nanay ko na magiging gwapo ako at habulin ng mga babae. Oo nga naman habulin ako ng mga babae yun nga lang kaibigan turing nila sa akin lagi nila akong kasamang maglaro ng dyakston at tsaynis garter noon at doon lumabas ang tunay na ako. Noong una di ko alam kung lalake ba o babae ako. Lagi ko tong itinatanong sa sarili ko. Minsan may gusto sa lalake minsan naman sa babae. Ewan ang gulo ng pagkatao ko parang si lady gaga lang. Nagpapakagaga sa pagkatao ko. Siguro nga silahis ako o bakla di ko maintindihan. Basta ang gulo ng buhay ko pag dating sa kasarian ko. Marami ang naiinis sa akin kapag ito na ang usapan di ko daw sinasagot ng ayos lagi na lang daw akong pabiro sa tanong na ito na hindi ko naman
Masagut-sagot. Hay buhay nga naman puno ng kakutyaan sa buhay pero ayos lang kasi ito na yung pinaka mabisang paraan para ako’y makapagpasaya ng mga taong may mga problema. Basta ako ito at hindi na mababago.
Baso
Sa bawat araw na makisalamuha ka sa mga taong mahal mo, mga taong importante sa iyo, mga taong kaaway mo at sa mga taong tunay mong mga kaibigan ay sila pala ang nagiging daan sa aking buhay. Marami ang nagbibigay daan sa akin patungo sa tamang landas ng patotoo, nandiyan ang aking mga magulang, kaibigan, Propesor at kung sinu-sino pa ang syang gumagabay sa aking pagkakamali sa buhay. Ang baso na nagpapatunay bilang ako, pinapakita dito na sa bawat pagpuno natin ng tubig sa basong ito, ipinapakita lamang nito sa akin na ang mga mahahalagang tao sa akin ang pumupuno ng aking pagkatao.
Nasasaatin kung paano natin titingnan ang baso kung kalahating puno ba ito o kalahating ubos ba ito sapagkat kung pipiliin mo ang kalahating ubos ibig sabihin lamang nito ay di buo ang pagkatao mo sapagkat hindi mo nakikita nag biyaya ng lahat sa kabila samantalang ang kalahating puno makikita mo ang lahat sa kabila ng lahat ng iyong pagsusumikap.
Kamera
Sa bawat pagkuha ko ng mga litrato ang bawat isa ay may mahahalagang diskripsyon sa akin, kung bakit ko ito kinuhanan ng ganito at kung papaano ito sumasalamin sa aking pagkatao. Isinasaad nito kung gaano kakulay ang aking buhay sa lahat ng aspeto
ng kapalaran. Ipinapakita lamang nito na sa bawat pagpindot sa kamera ay katumbas kung ano ang isinasaad ng aking damdamin at kung ano ang gusto kong iparating sa mga taong nakakita at nakaintindi ng aking litrato. Sinasalamin ng kamera ko ang tunay na ako at kung sino ako at kung papaano ko harapin ang mga hamon ng aking buhay.
Sa bawat litrato na meron ako dama ko ang lahat ng emosyon at pagod ng lahat ng tao na kinuhanan ko. Doon mo makikita ang tunay na pagkatao ng isang tao sa pagkuha ng patago mga mukhang hindi natin makikita sa oras na kaharap tayo ng iba, mga mukhang hindi maipinta at takot ikanta ang kanilang problema, mga matang mababa ang luha kapag sila’y hindi na kaharap ng mga tao ito ay kalimitan natin hindi natin makikita sa pang araw-araw na buhay, at makikita lamang natin sa mga patago at sekretong kuha.
Darating din ang araw na si JUNE na sumasalamin sa kamera ay magkakaroon ng magandang buhay at kinabukasan na magiging daan sa tunay na katotohanan at katauhan. Mahahanap ko rin ang mga sagot sa aking mga tanong sa pagsusumikap ko sa pangaraw-araw at ang pagsubok na aking nalampasan, lalampasan at malalmpasan pa lamang ay syang huhubog sa aking pagkatao at mabuo bilang ako.